<body>

Dilemma
Friday, December 01, 2006


Nitong mga huling araw hindi ko alam kung matutuwa ako o masasaktan sa mga nalalaman ko mula sa iyo. Hindi naman sa ayaw kong nakakarinig ng mga bagay tungkol sa mga nangyayari sa iyo riyan. Ang totoo nga ay masaya ako na sinasabi mo sa akin ang totoo.

Napakasenti ko lang na ang pinapakinggan ko e Mahal Naman Kita, 'yung theme sa A Rosy Life. Ewan ko ba, sabi ko nga kay Pangga e ang lakas ng dama ko kay Betsy. Hay at heto na naman po tayo, ang alipin ng mga koreanovela. Ang kaliluhan nga naman ng telebisyon.

Katatapos lang nating mag-usap, late ka na nga sa trabaho e. Ang kulit mo kasi, sabi ko pumasok ka na ang kulit mo. Hindi mo pa nga yata naisusulat 'yung two-week notification something mo. Gustuhin man kitang i-draft hindi ko magawa dahil mismong draft ko di ko pa naisusulat at pakiramdam ko minumura na ako ng editor ko.

Minsan napapaisip ako, parang bukod sa pinaglayo tayo ng distansya parang magkalayo talaga tayo. Marami pa rin tayong mga bagay na hindi pinagkakasunduan, hindi katulad noong hayskul, di ba? Natatandaan mo, parang ang pinakamalaking away natin nun e tungkol sa ballpen. Kaya nga sabi ko sa Nanay hindi ko pa makita 'yung tayong dalawang magkasama na higit pa sa pagiging best friends kasi nga hindi naman tayo nakakaranas ng away na mabigat. Pareho kasi tayong magaan nun, walang masyadong iniisip, patawa lang sa buhay. Sakay-sakay lang.

Iba na ngayon.

Nawala ako, nawala ka rin. Lagi mong banat sa akin, nawala ako nung mga panahong kailangan mo ako. Totoo, kasi ipinagpalit kita sa pag-ibig na akala ko'y totoo. Hindi ko rin naisip na kahit anong oras magagawa n'ya talaga akong iwan. Nabulagan. 'Yun nga siguro. Ewan ko, kalokohang hindi ko naisip na ikaw, hindi na kita mapapalitan. Sabi nga ni Oca, "tanga-tanga".

Kung kailan ako bumalik, ikaw ang umalis. Ganunpaman, masaya ako na hindi mo tinalikuran ang pinagsamahan natin, di tulad ng ginawa ko. Halos araw-araw may kwento ka, mabuti hindi napuputol ang mga pag-uusap natin. Ayokong dumating ang araw na makakaligtaan at katatamaran na nating tawagan ang isa't isa at sikaping makinig sa bagong kwentong mayroon tayo para lamang sa ating dalawa.

Masaya ako na nagsasabi ka ng totoo. Pinipili ko ang matuwa kaysa ang masaktan.


--kirika--
8:33 AM


Siyang Lumalangoy
_____________________

halika't magtapak. samahan mo akong maglakad sa ibabaw ng buhanging kulay abo. damhin ang galas nito sa talampakan. tayo nang lumusong sa mapanghalinang karagatan.

Pagnanasa
_____________________

ang nais ko lamang ay ang makipagniig sa tubig

Mga Sumisisid
_____________________

coreen
mykel
poi
wav
baca
kai
mel
ronell
editme

Titik sa Buhangin
_____________________

Disenyo: Slayerette
Larawan: Google
Kaloob ng: Imageshack

Magtampisaw
_____________________

Mga Kabibe
_____________________

September 2006
October 2006
November 2006
December 2006